Dinagsa ng libo-libong residente, bisita, at mga turista ang selebrasyon ng Grand Cañao, isa sa mga pangunahing tampok ng selebrasyon ng ika-125 founding Anniversary at Adivay Festival ng probinsya ng Benguet, na binubuo ng labintatlong munisipyo.
Ang tema ng nasabing selebrasyon ay “Healthier Benguet: A Treasure to Relish, A Culture to Cherish.”
Pinangunahan ito nina Gov. Dr. Melchor Diclas, Vice Governor Marie Rose Fongwan-Kepes, at ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Benguet.
Dumating din ang mga delegado mula sa Kochi Prefecture, Japan, na isa sa mga sister partner ng probinsya ng Benguet, bilang mga espesyal na bisita sa nasabing festival, kung saan pinangunahan ito ni Gov. Seiji Hamada.
Ang pagdalo ng mga residente mula sa Kochi Prefecture ay nagsilbing selebrasyon din ng ika-15 anibersaryo ng sisterhood ng Benguet at Kochi Prefecture.
Bukod sa mga taga-Japan, naroroon din ang ilang bisita mula sa Bukidnon, pati na rin si Asec. Antonio Tabora Jr., ang Presidential Assistant for the Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Benguet Gov. Melchor Diclas, sinabi niyang ang selebrasyon ay naglalayong ipasa ang magandang kultura at ugali ng Benguet sa mga susunod na henerasyon. Ibinase rin niya ito sa tema ng nasabing selebrasyon.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng dumalo at sumuporta sa selebrasyon. Ayon pa sa kanya, patuloy na gumaganda ang probinsya ng Benguet dahil sa walang sawang suporta ng mga residente ng naturang probinsya.
Bilang bahagi ng tradisyon ng Grand Cañao, naganap ang “depap ni otik” o pig catching, kung saan higit kumulang apatnapung baboy ang hinuli ng mga representative mula sa bawat munisipyo.
Aabot sa 16 na baboy ang nailagay sa isang bilog na hawla kung saan dito naganap ang pig catching.
Maliban diyan, 13 na baboy ang nanggaling mula sa opisina ni Benguet Congressman Eric Go Yap at 13 din ang nanggaling sa opisina ni Benguet Governor Melchor Diclas.
Kanya-kanyang kinatay ng bawat munisipyo ang nahuli nilang baboy, na hindi bababa sa limang baboy bawat munisipyo, at ito ay pinagsalusaluhan ng mga dumalo, bilang simbolo ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa komunidad.
Sa kabilang dako, hindi dumalo si Benguet Congressman Eric Go Yap sa nasabing selebrasyon, ngunit ipinahatid na lamang niya ang kanyang mensahe at pagbati sa mga taga-Benguet.
Aniya, tuwing Nobyembre 23, isang marka ito ng bagong pagsisimula, at hiling din niya ang “exciting” at progresibong taon para sa probinsya ng Benguet.//Bombo Newsteam










