BAGUIO CITY – Hinihiling ng grupo ng mga guro kay President Ferdinand Marcos Jr. na magmumula sa sektor, makabayan at makamasa sana ang papalit bilang kalihim ng Department of Education.
Ito ay kasunod ng pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education at Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong Miyerkules, Hunyo 19, taong kasalukuyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ruel Caricativo, Regional Coordinator Alliance of Concerned Teachers – Cordillera, natutuwa sila sa pagbitiw ni Vice President Duterte bilang kalihim ng departamento dahil nakita umano na hindi ito nagtagumpay sa kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Department of Education sa nakalipas na dalawang taon.
Ayon kay Caricativo, hindi pa rin nareresolba ang mga isyung kinakaharap ng mga guro, estudyante at magulang sa bayan sa kabilang ng pagpapalabas ng ilang memorandum para sa uniterrupted vacation at pagbabawas ng workloads ng mga guro.
Kabilang dito ang kasalukuyang hindi coordinated na kurikulum at ang kabiguan sa kahilingan ng mga guro para sa pagtaas ng kanilang suweldo.
Iginiit pa ni Caricativo na sana ay ibigay ng gobyerno ang pangunahing suporta sa sektor ng edukasyon upang mapabuti ang kapasidad ng mga mag-aaral, pagbutihin ang kurikulum, pagbibigay ng mas magandang kondisyon sa pagtatrabaho para sa mga guro, pagtaas ng pondo ng Kagawaran ng Edukasyon at pakikinig sa kanilang mga hinaing.
Una nang lumabas ang resulta ng isang pag-aaral kung saan karamihan sa mga mag-aaral sa Pilipinas ay mahina sa reading, mathematics and science proficiency, at critical thinking.