--Ads--

BAGUIO CITY – Malapit ng matunghayan ang dalawang pinakamalaki at pinakaaabangang event o highlights ng Panagbenga Festival sa Baguio City ngayong linggo.

Unang mapapanood ang Panagbenga Grand Street Dance Parade ngayong Sabado, Pebrero baente kwatro kung saan pitong grupo ang magtatagisan ng sayaw.

Susunod naman ang Panagbenga Grand Floral Float Parade sa Pebrero baente singko, araw ng linggo, kung saan tatlumpong grupo ang inaasahang magpapakitang gilas dito.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Evangeline Payno, Chief of Staff ng Baguio Flower Festival Foundation Incorporated, handang-handa na ang mga participants at ang mga kagamitan na kakailanganin sa mga nasabing parada.

Samantala, sinabi naman ni PMaj. Rommel Quinio, Chief of City Operation Management, aabot sa tatlong libong pulis at volunteers ang maidedeploy sa mga naturang aktibidad.

Kaugnay nito, sinabi naman ni PLtCol. Zacharias Dausen, Chief of Traffic Enforcement Unit, siento porsiento na nakahanda ang kanilang opisina sa pagbabantay sa daloy ng trapiko sa lungsod.

Aniya, mas iigtingan nila ang pagbabantay sa mga entry points na papasok sa City of Pines gaya ng Kennon road at Marcos Highway.

Maliban dito, patuloy naman na pinapaalalahanan ng Baguio City Police Office ang publiko lalong-lalo ang mga dadalo sa nasabing aktibidad na huwag magdala ng mga alahas at malalaking halaga ng pera para hindi ma-enganyo ang mga mandurukot.

Sa kabilang dako, inihayag ng Hotel and Restaurant Association of Baguio na nagsisipunuan na ang mga accomodation establishements sa Summer capital of the Philippines.