BAGUIO CITY– Nananatili pa rin sa pagamutan ang isang ina at anak nitong sanggol na aksidenteng binundol ng isang van sa Benguet- Nueva Viscaya National Road partikular sa Bobok-Bisal, Bokod, Benguet.
Nakilala ang ina na si Jenelyn Almosa Berosom, 28-anyos habang ang anak nito ay isang lalaki na 1-year and 4 months old.
Ayon kay PSIns. Vicente Tamid-ay, hepe ng Bokod PNP, patawid na umano sa nasabing kalsada ang mag-ina nang banggain ang mga ito ng van na minamaneho ni Elmerito Lazo, 52-anyos at residente ng Villafuete, Nueva Vizcaya.
Sinabi naman umano ng driver na sinubukan niyang iwasan ang mag-ina ngunit may dumptruck itong makakasalubong sa kabilang lane kung kayat hindi niya naiwasan ang mga ito.
Ayon pa kay Tamid-ay, nagulat ang kasamahan niyang pulis sa kanilang nirespondehang aksidente dahil hindi niya inaasahan nito ito ang kanyang mag-ina.
Napag-alamang nagtamo ng sugat sa paa, kamay at mukha ang nanay habang ang sanggol ay nagtamo ng facial fracture, head injury ken chest injury kung kayat magpahanggang ngayon ay nasa ICU pa ito.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang pamilya ng driver kung makikipag-usap ang mga ito sa pamilya ng mga biktima para sa amicable settlement at hinihintay pa nila ang tuluyong pagrekober ng mag-ina habang ang suspek ay nakakulong ngayon sa Benguet Provincial Jail.