--Ads--

Patuloy na nananawagan ng hustisya si Rovelyn Baterbonia, ina ng yumaong Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia, isang buwan matapos ang pagkamatay ng kanyang anak sa isang team-building activity sa Aurora.

Sa Facebook post, hinimok ni Rovelyn ang mga nakaaalam ng nangyari na magsabi ng totoo tungkol sa ikinamatay ng kanyang anak.

Nasawi sina Rene at kapwa Ateneo player na si Divine Adili sa pagkalunod noong Hunyo 8. Kaugnay nito, inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act laban sa 11 katao, kabilang ang dating head coach na si Tab Baldwin, gayundin ng kasong homicide at reckless imprudence resulting in homicide laban sa kanya at walong iba pa.

Samantala, muling tiniyak ng Ateneo ang suporta nito sa mga pamilya ng mga biktima at ang pagpapatuloy ng paghahanap sa katotohanan. Nakipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan ng Talacogon, Agusan del Sur sa pamilya ni Rene para sa kanyang ika-40 araw na paggunita.