Tila malabong pagbigyan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa isang “interim release” o judicial order na magpapalaya sa kanya mula sa kustodiya bago magsimula ang trial.
Ayon kay Atty. Joel Butuyan, isang ICC-accredited lawyer at chairperson ng Center for International Law, mahihirapan ang dating Pangulo na makuha ang interim release, lalo na’t itinuturing siyang flight risk o may posibilidad na tumakas mula sa bansa bago magsimula ang paglilitis.
“Ipinapakita ng mga kondisyon ng kaso na kapag pinayagan siyang makalaya, maaaring tumanggi siya na bumalik sa mga paglilitis sa korte,” ani Atty. Butuyan.
Dagdag pa niya, mayroong panganib na magdulot ito ng takot o galit sa mga testigo, at posibleng magresulta sa pag-tamper ng mga ebidensiya laban kay Duterte.
Bagamat pinapayagan ng ICC ang mga detainee na magsumite ng aplikasyon para sa interim release habang hinihintay ang kanilang trial, binigyang-diin ni Atty. Butuyan na kinakailangan ang isang “extreme at urgent necessity” bago aprubahan ang nasabing request.
Ipinaliwanag din ni Atty. Butuyan na magiging mahirap para sa kampo ni Duterte na magtagumpay sa aplikasyon para sa interim release kung nakabatay lamang ito sa kalusugan ng dating Pangulo, dahil may mga independent medical verification na isinasagawa ang ICC kung kinakailangan.
Nakatakdang magsimula ang pre-trial hearing sa kaso ni dating Pangulong Duterte sa Setyembre 23, kung saan tatalakayin ang kumpirmasyon ng mga kasong isinampa laban sa kanya.