Maghahain ng apela ang kampo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa laban sa desisyon ng Philippine National Police (PNP) na bawiin ang kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF), ayon sa kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon.
Ayon kay Torreon, walang hatol na pagkakakulong at wala ring utos mula sa korte sa Pilipinas laban kay Dela Rosa upang maging basehan ng pagbawi ng kanyang lisensya sa baril.
Nauna nang kinumpirma ng Police Regional Office 11 na naiserbisyo na sa legal representative ng senador ang order of revocation ng kanyang firearms license at rehistro ng mga baril.
Batay sa utos ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), dapat kumpiskahin o ideposito ang 117 baril na nakarehistro sa pangalan ni Dela Rosa.
Ikinatwiran ng FEO na may kinahaharap na kasong kriminal si Dela Rosa na may katumbas na parusang higit sa dalawang taon, kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng umano’y crimes against humanity noong war on drugs.
Gayunman, kinuwestiyon ni Torreon ang legalidad ng hakbang at iginiit na hindi kabilang sa mga grounds for revocation sa ilalim ng batas ang pending criminal case.
Dagdag pa niya, hindi maituturing na bahagi ng Philippine courts ang ICC sa ilalim ng Doctrine of Incorporation.










