--Ads--

BAGUIO CITY – Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency na karamihan sa mga nahuhuli na indibidwal sa Cordillera region ay dahil sa pagbebenta at paggamit ng shabu.

Kahit pa isa ang Cordillera sa mga pangunahing rehiyon sa bansa na pinagmumulan ng marijuana, mas pinipili umano ng mga drug personalities ang droga kaysa sa marijuana.

Ayon kay Christy E. Silvan, Assistant Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Cordillera, karamihan sa mga taniman ng marijuana ay matatagpuan sa munisipyo ng Tinglayan sa Kalinga, munisipyo ng Bakun at Kibungan sa Benguet at ilang munisipyo rin sa Mt Province.

Gayunpaman, hindi marijuana ang kadalasang rason sa pagkakahuli ng mga indibidwal kundi ang paggamit at pagbebenta nila ng iligal na droga.

Ayon kay PMaj. Harriet Bulcio, Information Officer ng Baguio City Police Office, Assistant Regional Director, bukod sa mas mahal ang halaga ng iligal na droga kapag ibebenta ay mas madali pa umano itong itago kung ibibiahe sa loob at labas ng rehiyon.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang mahigpit na anti-drug efforts ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, at iba pang law enforcement units para pigilan ang illegal drug operation at puksain ang pagtatanim ng marijuana sa rehiyon Cordillera.