--Ads--

Baguio City- Iniulat ng KM Ngayon Na Party-list, sa pangunguna ni Rep. Kenneth Paolo Codnita Tereng, ang P385.93 milyong halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura at P40.65 milyong tulong medikal para sa 1,195 pasyente sa unang taon nito sa 20th Congress. Sakop ng accomplishment report ang Hulyo 1, 2025, hanggang Hunyo 30, 2026.

Sa legislative , nakapaghain ang party-list ng 64 na panukalang batas bilang pangunahing may-akda at 17 na co author. Kabilang sa mga tinutugunan ng mga panukala ang kalusugan, edukasyon, pabahay, agrikultura, imprastraktura at pamahalaang lokal.

Sa ilalim ng programang medikal, nagbigay ito ng P40.65 milyong tulong sa pamamagitan ng Department of Health at Department of Social Welfare and Development para sa gastusin sa ospital, gamot at iba pang serbisyong medikal.

Nag-endorso rin ito ng 1,397 estudyante sa Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education at 281 trainees sa mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority.

Sinuportahan ng party-list ang 48 proyektong pang-imprastraktura sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region at ilang bahagi ng Northern Luzon. Kabilang dito ang mga kalsada, drainage system, water facilities, silid-aralan, evacuation centers at multipurpose buildings na may kabuuang halagang P385.93 milyon.

Itinatag din nito, katuwang ang Avitus, ang isang dialysis center sa Loo, Buguias, Benguet.

Inaasahang magsisilbi ito sa mga pasyente mula sa ilang bayan sa Benguet at Mountain Province, habang hinihintay ang mga kinakailangang permit mula sa pamahalaan.

Sa iba pang programa, nagbigay ang party-list ng libreng matutuluyan sa Metro Manila para sa 2,533 residente at tumulong sa mga highland vegetable farmers na naapektuhan ng mataas na gastos sa transportasyon. Bumili rin ito ng mga gulay mula sa mga magsasaka at dinala ang mga ito sa Metro Manila upang magkaroon ng alternatibong pamilihan at maiwasan ang pagkasayang ng ani.

Sa pamamagitan ng People’s Day at Project ISEM, naghatid din ito ng serbisyong medikal, dental at legal sa mga komunidad, kabilang ang mga malalayong lugar. Ayon sa party-list, ipagpapatuloy nito ang pagpapalawak ng mga serbisyo at pagpapalapit ng tulong ng pamahalaan sa mga mamamayang nangangailangan.