Tiniyak ngayon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi mawawalan ng trabaho ang libu-libong empleyado sa Camp John Hay matapos mabawi ng Bases Conversion and Development Authority ang kontrol nito sa nasabing property mula sa Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sinabi nito na walang magiging problema dito dahil tumatalima naman si Robert John SobrepeƱa ng Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo) sa kautusan ng korte.
Matatandaang kahapon ay isinilbi ng mga sherrif ang notices to vacate mula sa Regional Trial Court Branch 6 ng Baguio City sa mga kawani ng Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo) sa mismong Camp John Hay, bilang pagtupad sa desisyon ng Supreme Court.
Nagdulot ito ng tatlong oras na lockdown sa Camp John Hay kung kaya’t pansamantalang hindi nakapasok doon ang ilang mga bisita at empleyado ng mga establishmento.
Matatandaang nito lamang Disyembre ipinalabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyon nito na siyang tumuldok sa mahigit isang dekadang legal battle sa pagitan ng nasabing developer at ng Bases Conversion and Development Authority.
Sa nasabing desisyon, inutusan nito ang CJHDevCo na lisanin na ang nasabing property.
Inutusan naman nito ang BCDA na ibalik sa nasabing developer ang investment nitong P1.42 billion na ginamit sa pagpapatayo ng mga hotel, luxury residences, at mga modernized golf courses.
Kaugnay nito, inihayag din ng mga general managers ng mga sikat na pasilidad ng 247-hectare John Hay Special Economic Zone kagaya ng The Manor at The Forest Lodge na magpapatuloy pa rin ang kanilang operasyon sa kabila ng nasabing isyu.