--Ads--
mountain province LGU official seal

BAGUIO CITY – Narekober ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang limang improvised explosive device (IEDs) sa Bagnen, Bauko, Mt. Province.

Ayon kay Brig. Gen. Alden Juan Masagca, Acting Commander ng 5th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, narekober ng Regional Mobile Battalion – 15 ng Cordillera PNP at 53rd Division Reconnaissance Company ng 5th ID ang mga nasabing IEDs habang nagsasagawa sila ng pursuit operation laban sa mga papatakas na bandidong grupo na nakaengkwentro nila sa Mount Kapuwao sa nasabing lugar noong March 29, 2019.

Aniya, ang paglalagay ng mga teroristang grupo ng mga IEDs sa daan ay taktika nila upang maantala ang isinasagawang pursuit operations na inilulunsad ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis sa nasabing lugar.

Sinabi niya na sa ngayon ay nasa pag-iingat ng militar ang mga narekober na IEDs para sa kaukulang disposisyon.

Dinagdag pa ni Masagca na patuloy at paiigtingin pa ng tropa ng pamahalaan ang kanilang pagtugis sa mga teroristang grupo lalo na sa mga lugar kung saan madalas ang presensya ng mga ito para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan lalo na ngayong nalalapit na halalan.

Una ng kinondina ng pamahalaan at ng tropa nito ang paggamit ng mga teroristang New People’s Army ng mga IEDs at landmines na ipinagbabawal ng international humanitarian law at ng Geneva Conventions.

Matatandaan na nangyari ang sunud-sunod na sagupaan sa MontaƱosa sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng teroristang New People’s Army na ikinasawi ng dalawang pulis at ikinasugat ng aabot sa 10 na kasamahan ng mga ito habang pinaniniwalaang marami ding casualties sa hanay ng teroristang grupo.