Nasawi ang isang magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa kahabaan ng national highway sa Barangay Nabalawag, Special Geographic Area (SGA), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), dakong alas-10:45 ng umaga nitong Sabado, Oktubre 24, 2026.
Kinilala ang biktima na si Alex Talungon, residente ng Barangay Salunayan, Midsayap, North Cotabato.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang asul na Honda XRM motorcycle ang biktima habang bumibiyahe mula Barangay Salunayan patungong Barangay Nabalawag nang umano’y sundan at pagbabarilin ng suspek na sakay naman ng isang minivan.
Dahil sa mga tama ng bala, nasawi ang biktima.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa likod ng krimen. Wala pang karagdagang detalye hinggil sa insidente batay sa paunang impormasyong nakalap.











