ITOGON, BENGUET — Lumikas ang mahigit dalawang daang pamilya sa Itogon, Benguet matapos ang sunod-sunod na pagguho ng lupa na dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Sa Sitio Goldfield, Barangay Poblacion, naapektuhan ang labinlimang pamilya matapos gumuho ang malaking bahagi ng bundok.
Ayon kay Barangay Captain Flordeliza Depayso, tuloy-tuloy pa ang isinasagawang assessment at monitoring kaya posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga apektado.
Isang bahay ang natabunan ng gumuhong lupa, ngunit sa kabutihang palad, walang naiulat na nasaktan dahil nauna nang nakalikas ang mga residente bago pa man ang insidente.
Ayon sa kanya, posibleng tatagal ng isang buwan ang pagbubukas ng natabunang kalsada dahil sa dami ng lupang bumara rito.
Samantala, ayon kay Engr. Cyril Batcagan, Head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) – Itogon, tinitingnan na nila ang posibilidad ng mga alternatibong daanan. Ngunit, aminado siyang wala pa silang mairekomendang ruta sa ngayon dahil maging ang ibang kalsada sa bayan ay apektado rin ng pagguho ng lupa at bato.
Dagdag pa ni Engr. Batcagan, inaalam din nila kung may kaugnayan sa pagmimina ang pagguho, bagamat sa ngayon ay wala naman umanong operasyon ng pagmimina sa mismong bahagi ng barangay na apektado.
Sa Camp 3, Acupan, Virac, Itogon nasa 213 na pamilya o katumbas ng 866 na indibidwal ang inilikas matapos masira ang labinlimang kabahayan sanhi ng patuloy na pagguho ng lupa.
Kaugnay nito, tiniyak ng mga kinauukulang ahensiya na patuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya tulad ng pagkain, pansamantalang matutuluyan, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Hiniling din ni Engr. Batcagan sa mga minero na pansamantalang ihinto ang anumang aktibidad ng pagmimina habang hindi pa humuhupa ang masamang panahon.
Paalala rin niya sa mga residente, lalo na sa mga naninirahan sa mga landslide-prone area, na maging doble ang pag-iingat at agad lumikas kung kinakailangan upang maiwasan ang anumang trahedya.