Nanatiling buo ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kabila ng pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na may mga active uniformed personnel na kabilang sa persons of interest sa umano’y assassination plot laban sa Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mahalagang matukoy ang sinumang miyembro ng militar na maaaring kumampi sa interes ng isang tao sa halip na sa batas at Konstitusyon.
Noong Miyerkules, kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag sa impeachment trial na kabilang sa mga persons of interest ang ilang miyembro ng security detail ni Bise Presidente Sara Duterte, kabilang ang ilang aktibong uniformed personnel, kaugnay ng umano’y planong pagpaslang kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi rin ni Castro na wala pang nakikitang pangangailangan para magsagawa ng loyalty check sa AFP, at nananatiling nasa pamunuan ng militar at sa Presidential Security ang usapin ng seguridad ng Pangulo.





