--Ads--

Baguio City – Muling nananawagan ang iba’t ibang grupo sa Baguio City na buwagin ang Oil Deregulation Law, alisin ang VAT at excise tax, itaas ang sahod ng manggagawang Pilipino, at pagbutihin ang kanilang working conditions, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day ngayong araw.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gabriel Siscar, spokesperson ng Kabataan Partylist, sinabi niyang kailangan nang ibasura ang mga polisiyang nagpapahirap sa mga Pilipino.


Kabilang sa mga nakisali sa protesta ang transport sector, worker sector, religious groups, artists, at iba pang organisasyon mula sa lungsod ng Baguio.


Ayon sa nasabing opisyal, kinakailangan na ng nakabubuhay na sahod para sa mga minimum wage earner sa buong Pilipinas.


Iginiit niya na dapat umabot sa P1,200 ang family living wage dahil hindi sapat ang P505, lalo na sa mga may binubuhay na pamilya, pinag-aaral na anak, at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at langis. Aniya, mahalaga ito upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa.


Panawagan din nila ang pagbuwag sa regional tripartite wage boards at ang pagnanais na ma-nationalize ang pagtataas ng sahod. Ayon sa kanya, kung ipauubaya sa mga rehiyon ang pagtaas ng sahod, nagkakaroon ng hindi pagkakapantay-pantay dahil iba-iba ang natatanggap ng mga manggagawa, kahit halos pare-pareho lamang ang presyo ng pagkain, langis, at serbisyo sa buong bansa.