--Ads--

“I WILL GO BACK—BAGUIO IS IN MY HEART.”

Ito ang naging pahayag ni Miss Aya, isang turista mula Pampanga, matapos masaksihan ang Grand Floral Float Parade ng Panagbenga Festival 2025.

Sa prestihiyosong parada, lumahok ang 44 na makukulay at detalyadong floats na hinati sa tatlong kategorya: small, medium, at large float categories.

Tampok sa mga floats ang iba’t ibang personalidad, kabilang sina Senator Imee Marcos, Comelec Chairperson Atty. George Garcia, at iba pang kilalang panauhin.

Bukod sa mga opisyal, nagbigay sigla rin sa parada ang pagdalo ng mga sikat na artista gaya nina Hashtag Kid at McCoy, Ella Cruz, at ang ilan sa mga cast ng teleseryeng Batang Quiapo.

Kasama rin dito ang ilang beauty queens tulad nina Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Luigi Gomez at Miss World Philippines 2024 Krishnah Gravidez.

Ayon kay Miss Aya, na mula pa sa Culinary Capital of the Philippines—Pampanga, ito ang kauna-unahang pagkakataon niyang masaksihan nang personal ang Panagbenga Festival.

Kasama ang kanyang kasintahan, mahigit dalawang linggo na silang nagbabakasyon sa Baguio upang maranasan mismo ang kasayahang hatid ng pagdiriwang.

“Nagpunta kami rito nang maaga at pumila na mula alas-siyete ng umaga. Hindi ko inasahang may mga taong handang matulog sa tabi ng Session Road upang makakuha ng magandang puwesto,” ani Aya.

Bukod sa mga makukulay na float, tumatak sa kanyang puso ang Panagbenga Hymn at ang makapangyarihang pagtatanghal ng Kalinga Dance.

“Babalik at babalik ako sa Baguio! Para sa mga gustong maranasan ang Panagbenga Festival, siguraduhing maging maaga at ihanda ang inyong mga camera—dahil ito ay isang alaala na hindi niyo gugustuhing makaligtaan.”

Samantala, ang naging karanasan ni Miss Aya ay isa sa mga patunay na ang Baguio City ay nananatiling isa sa mga pinakamamahal at dinarayong destinasyon sa Pilipinas.//Bombo Local News Correspondent Jonel Vasadre