--Ads--

BAGUIO CITY – Pinangangambahan ngayon ng mga sektor ng kalusugan sa rehiyon Cordillera ang muling paglobo ng kaso ng dengue lalong-lalo na sa lungsod ng Baguio at lalawigan ng Benguet.

Base kasi sa datos na naitala ng City Health Services Office, nakapagtala ang lungsod ng Baguio ng mahigit siam na raang kaso na katumbas ng 120% mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, mas mataas kung ikukumpara sa naitalang bilang noong nakaraang taon.

Kabilang na rito ang naitala ng nasabing opisina na dalawang kaso ng pagkamatay dahil sa sakit na dengue.

Maliban dito, naobserbahan din sa lalawigan ng Benguet ang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng naturang sakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Cham Bacoso, Medical Specialist at Chief ng Public Health, tumaas ng 80% ang kaso ng dengue sa probinsiya ng Benguet.

Dahil dito, hinimok nila ang publiko na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health facilities kapag makaramdam ng sintomas ng dengue dahil hindi sapat ang pag-inom ng tubig.

Ipinaalala ni Dr. Bacoso ang pagsunod sa 5S: ang Search and destroy breeding sites; Self-protection from mosquito bites; Seek early medical consultation; Support fogging in areas with clustering of cases; at Sustain hydration.