--Ads--

Narekober ng mga otoridad ang na-chop-chop na katawan ng isang miyembro ng Puerto Princesa Police Provincial Office sa ancestral house ng isa ring pulis sa Mines View, Baguio City noong Disyembre 5, 2024.

Nakilala ang biktima bilang si PMES Emmanuel De Asis, 55-anyos, nakadestino sa Puerto Princesa Police Provincial Office at residente ng Purok Magalang, Barangay Sta. Monica, Puerto Princesa City, Palawan.

Ang suspek ay nakilalang si PLTCOL. Roderick Pascua, 45-anyos, residente ng Taguig City at nakadestino sa DCADD, EPD.

Ayon sa ulat ng PNP, nagpatulong ang anak ng biktima sa istasyon ng pulisya upang mahanap ang nawawalang ama. Base sa phone tracking application, huling nakita ang biktima sa isang motel sa Lower Bicutan, Taguig City.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natuklasan sa CCTV footage na noong alas-otso ng gabi ng Nobyembre 28, 2024, nag-check-in ang biktima sa isang motel, ngunit bandang 8:30 PM ng kaparehong araw ay lumabas siya at sumakay sa Grab taxi patungo sa Camp Bagong Diwa NCRPO.

Ang huling nakita ng CCTV footage sa Camp Bagong Diwa NCRPO ay ang biktima na kasama ang isang babae na nakilalang si PEMS Rosemarie Pascua, 44-anyos, asawa ni PLTCOL. Roderick Pascua at nakadestino sa RMFB, NCRPO.

Nakita ang sina PEMS Pasua at PMES De Asis na pumunta sa MNOQ Apartment sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Dahil sa mga impormasyon mula sa CCTV footage, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad sa rented apartment ni PEMS Rosemarie Pascua.

Dito, naharap nila ang mag-asawa, si PEMS Rosemarie at PLTCOL. Roderick Pascua, na iniimbestigahan din sa Taguig SIDMS.

Sa pag-usad ng imbestigasyon, inamin ni PLTCOL Pascua na siya ang pumatay kay PMES De Asis.

Ayon sa kanya, nahuli niyang magkasama ang kanyang asawa at ang biktima sa kanilang apartment na may mga intimate na gawain, kaya’t pinagbabaril niya si PMES De Asis.

Dahil dito, sinabi ni PLTCOL. Pascua na ipinag-utos niya sa kanyang asawa na kumuha ng lagaring bakal, at chinop-chop ang katawan ng biktima.

Pagkatapos nito, inilagay ng suspek ang mga parte ng katawan sa dalawang sako at isinakay sa kanyang Ford Ranger.

Dinala niya ang katawan sa kanyang ancestral house sa Pucsusan, Mines View, Baguio City at doon ito inilibing.

Dahil sa koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng pulisya, natagpuan at nahukay ang chop-chop na katawan ng biktima sa bakanteng lote sa Pucsusan, Mines View, Baguio City noong Disyembre 5.

Narekober ang dalawang sako na may laman na bahagi ng katawan ng biktima, dalawang puting t-shirt, at isang chopping wooden board.

Hawak na ngayon ng mga otoridad ang suspek.

Samantala, tumanggi ang Baguio City Police Office na magbigay ng karagdagang impormasyon ukol sa nangyaring krimen.