BAGUIO CITY – Ipinaliwanag ngayon ng Baguio City Police Office (BCPO) ang umano’y ugat sa pangmamaltrato kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio ng kanyang mga upperclassmen.
Sinabi ni PCol. Allen Rae Co, City Director ng BCPO na base sa kanilang imbestigasyon, nawala umano ni Cadet Dormitorio ang combat boots na ipinagkatiwala sa kanya ni Cadet 1CL Axl Rey Sanupao.
Ayon sa kanya, batay sa sworn statement ng mga witnesses ay isang linggo nang nawawala ang nasabing combat boots.
Dahil dito, pinareport umano si Cadet Dormitorio sa kwarto ni Cadet 1CL Sanupao kasama sina Cadet 3CL Shalimar Imperial at Cadet 3CL Felix Lumbag.
Matapos nito ay ipinasok nina Imperial at Lumbag si Dormitorio sa kanilang silid at doon na umano nangyari ang pangmamaltrato na naging dahilan ng pagkamatay ng nasabing plebo.