Inihayag ni Marlene Bandos, isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Jerusalem, na maayos pa naman umano ang kanilang sitwasyon sa nasabing bansa.
Ito ay sa kabila ng madalas nilang pagpunta sa mga bomb shelter, lalo na kapag tumutunog ang sirena sa kanilang lugar bilang babala na kailangan na nilang magtago.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ikinuwento niya na kapag nag-aalarm ang kanilang mga selpon, kinakailangan na agad silang magtungo sa bomb shelter, lalo na kung kasabay nito ang pagtunog ng sirena. Karaniwan umano silang nananatili roon nang humigit-kumulang sampung minuto, at lumalabas lamang kapag may abiso na sa kanilang selpon na ligtas na.
Inamin ni Bandos na nakakaramdam din sila ng takot sa mga nangyayari, kaya’t agad silang nagtatago tuwing may babala.
Ayon sa kanya, madalang na lamang silang lumabas. Karaniwan ay tuwing Biyernes ng hapon lamang sila lumalabas, habang ang kanilang day-off ay tuwing Sabado ng gabi.
Ibinahagi rin ni Bandos na wala na umanong pinipiling lugar ang mga pagbobomba, dahil iba’t ibang bahagi ng Israel at Jerusalem ang tinatamaan, kabilang na umano ang mga holy site at mga mosque ng mga Muslim. Dahil dito, delikado na raw ang paglalakad sa labas.
Nang tanungin tungkol sa pagbili ng pagkain, sinabi ni Bandos na bumibili sila nang maramihan upang isang beses na lamang silang lalabas at makapag-stock.
Sa kasalukuyan, suspendido pa rin ang mga klase sa lahat ng antas sa Jerusalem.
Pagdating naman sa transportasyon, sinabi niyang normal pa rin ang galaw, ngunit minsan ay nagkakaroon ng delay, lalo na sa mga tren at bus. Samantala, sarado pa rin ang mga tindahan ng souvenir.
Sa kabila ng sitwasyon, sinabi ni Bandos na wala siyang balak umuwi sa Pilipinas. Aniya, pinipilit niyang manatili dahil may pinapaaral pa siyang mga estudyante, at mayroon pa umano siyang limang taon na natitira sa kanyang kontrata.











