BAGUIO CITY – Arestado ang isang 19-anyos na lalaki mula sa Tacadang, Kibungan, Benguet matapos matagpuan sa minamanehong pick up ang dried marijuana leaves in tubular form sa Tublay, Benguet kaninang umaga lamang, Agosto 23, taong kasalukuyan.
Nakumpiskar mula kay alyas John ang mahigit kumulang 27 kilos na marijuana bricks na nakabalot sa black trash bag at tape na tinatayang nagkakahalaga ng P3,375,000.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Tublay Municipal Police Station, regular na nagpapatrolya ang mga pulis nang makitang nasiraan ang isang pick-up at nasa gilid ng kalsada ang isang motorsiklo.
Nang lapitan nila ang sasakyan para tulungan sila ay agad na tumakbo ang may-ari ng motorsiklo habang naiwan ang driver ng pick-up na si alyas John.
Hinalughog ng mga pulis ang sasakyan at nakita ang hinihinalang marijuana sa dalawang sako.
Ayon sa suspek na si alyas John, nagmula ang iligal na pananim sa Tacadang at idedeliver sana dito sa lungsod ng Baguio bago kunin ng kaniyang ka-transact at maideliver sa labas ng rehiyon.
Napag-alaman na siya ang pang-apat sa limang magkakapatid at nagawa niya ang nasabing aktibidad dahil sa hirap ng kanilang buhay.
Sinabi pa niya na dati ng drug surrenderee ang kaniyang ama ngunit hindi umano naiimpluwensyahan ng kaniyang ama ang kanyang mga kilos.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay PMaj. Cris Dagdag, Chief of Police ng Tublay Municipal Police Station, hihigpitan pa nila ang kanilang isinasagawang foot patrol at mahigpit na babantayan nila ang mga sasakyan upang mapigilan ang kaparehong transaction.
Ito rin ang kauna-unahang illegal drug arrest na nailista ng municipyo ng Tublay ngayong taon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng mga otoridad ang suspek at ang mga nasamsam na ebidensiya habang pinaghahanap ang tumakas na kasama ni alyas John.