BAGUIO CITY – Malabo umanong maipatupad ang ipinapanukalang total plastic ban dito sa bansa.
Reaksyon ito ni DENR Undersecretary Noel Felangco sa panukalang national ban sa paggamit ng plastic lalo na at ito umano ang nagdudulot ng problema sa kapaligiran.
Aniya, kung isasagawa man ito ay kailangang malaman kung anong mga plastic ang kailangan ng publiko upang mapayagan pa rin ang paggamit sa mga ito habang isasailalim naman sa plastic ban ang mga plastic na walang gamit.
Sinabi pa niya na dapat mabigyan ng corporate social responsibility ang mga manufacturer ng plastic at ang mga ito ang mismong bibili sa mga ginagawa nilang plastic na ibebenta ng mga konsyumer upang hindi ito magkalat.
Ayon naman kay Dir. Jaqueline Caancan, head ng Environmental Management Bureau Central Office, hindi umano kasalanan ng mga plastic ang pagbabara sa mga kanal at ang pagkasira ng kapaligiran.
Iginiit niya na kasalanan ito ng mga taong hindi nila alam ang tamang pagtatapon ng basura.