--Ads--

“Kailan ba huling nagsorry ang China? Kailan ba tayo nakatanggap ng sorry mula sa China?”


Ito ang naging pahayag ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea, kaugnay sa panawagang maging maingat umano sa pananalita ang ilang opisyal dahil sa mga sensitibong isyu ng diplomasya sa West Philippine Sea.


Iginiit niya na sa mga nakaraang taon ay hindi na mabilang ang umano’y mga insidente ng harassment ng China. Kabilang dito ang naputulan ng daliri, mga mangingisdang na-water cannon, mga nagkaroon ng pinsala sa tainga, paggamit ng military-grade laser laban sa mga miyembro ng PCG, at pagkasira ng mga barko ng Pilipinas. Aniya, kailanman ay wala umanong natanggap na paghingi ng paumanhin ang Pilipinas mula sa China.


Dagdag pa niya, bakit pa raw dapat pagtuunan ng pansin kung paano isiniwalat ang mga paglabag ng People’s Republic of China, gayong tahasan umanong nilalabag o “binababoy” ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.


Nang matanong kung okay lang ang mga sinasabi nito, hindi ito diretsahang sinagot ni Tarriela. Sa halip, sinabi niyang paano umano mailalarawan sa diplomatikong paraan ang mga insidente—gaya ng pagbabangga ng China Coast Guard. Maaari ba raw bang tawagin na aksidente lamang ito? Paano raw “iso-soften” ang deskripsyon ng pagbangga o pag-water cannon—na para bang basta lamang nabasa ang mga tauhan? Aniya, hindi niya maisip kung paano ipo-portray nang mas banayad ang mga ginawa ng China.


Nagbigay rin siya ng halimbawa tungkol sa umano’y pagharang sa internet signal ng Starlink na ginagamit ng Philippine Coast Guard, at kung paano raw ito ilalahad nang hindi masasaktan ang panig ng China.


Sa huli, nanindigan siya sa katotohanan at iginiit na hindi ito maaaring baliktarin o baguhin, at hindi rin aniya sila dapat matalo sa ganitong laban ng naratibo.

Maipapaalalang nagkaroon ng matinding palitan ng pahayag at magkakaibang naratibo hinggil sa West Philippine Sea sa pagitan ni Jay Tarriela at ng Chinese Ambassador kaugnay ng usapin, gayundin ng ilang senador.