--Ads--

Nilinaw ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na hindi kailangang magpakita ng kasalukuyang valid government-issued ID ang mga first-time applicant ng Postal ID.

Kailangan lamang isumite ang Postal ID application form, PSA-issued birth certificate, at barangay certificate. Kung walang barangay certificate, maaaring magsumite ng proof of address tulad ng pinakahuling bayarin sa kuryente, tubig, internet, o iba pang utility bill na may pangalan at kasalukuyang tirahan ng aplikante.

Ayon kay Postmaster General at CEO Maximo C. Sta. Maria III, layunin ng Postal ID na gawing mas madali para sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng kanilang unang government-issued ID.

Ang Postal ID ay tinatanggap sa iba’t ibang transaksiyon sa gobyerno at pribadong sektor, kabilang ang pagbubukas ng bank account at pagkuha ng pasaporte.

Ang bayad ay ₱550 para sa regular processing at ₱650 para sa rush processing. Maaari itong i-apply sa mga sangay ng PHLPost sa buong bansa. Sa SM Manila branch, mayroon ding same-day release ng Postal ID.