--Ads--

Nilinaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na hindi ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan sa Lion’s Head na matatagpuan sa gilid ng Kennon Road.

Ayon sa Baguio City Public Information Office, pinapayagan ang photo sessions sa nasabing landmark. Gayunman, mahigpit na ipinagbabawal ang paghinto ng mga sasakyan sa kalsada, lalo na kapag mabigat ang daloy ng trapiko, upang maiwasan ang pagsisikip.

Inilabas ang paglilinaw matapos kuwestiyunin ng ilang netizens ang mga tarpaulin na umano’y nagbabawal sa pagkuha ng larawan sa lugar.

Ipinaliwanag ng mga otoridad na ang ipinatutupad ay ang “no stopping” policy at hindi pagbabawal sa picture-taking.

Dagdag pa, kung magaan ang daloy ng trapiko, maaaring huminto ang mga bisita sa mga itinalagang parking area upang ligtas na makapagkuha ng larawan.

Binigyang-diin ni Magalong na ang kalagayan ng trapiko ang pangunahing konsiderasyon upang matiyak na maayos na naipatutupad ang “No Stopping at Anytime” policy sa harap ng estatwa para sa kapakanan ng lahat.