BARCELONA, Spain – Sobrang saya umano ng mga residente sa Spain matapos masungkit ng kanilang pambansang koponan ang kampeonato sa FIFA World Cup 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Gil Tiban Catimo, Bombo International News Correspondent sa Spain, sinabi nitong halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman habang pinapanood ang laban sa pagitan ng Spain at Argentina, lalo na ang matinding tensyon sa buong laro.
Ayon kay Catimo, nang makaiskor ang Spain sa unang pagkakataon ay sabay-sabay silang naghiyawan, ngunit agad ding nadismaya nang ma-disallow ang naturang goal. Gayunman, nang makapuntos muli ang Spain, muling umalingawngaw ang sigawan at nagsitalunan sila sa tuwa hanggang sa tuluyang matapos ang laban.
Ibinahagi rin niya na ang football ang pinakasikat na isport sa Europe, kaya naman hindi na bago sa mga residente ang masiglang pagdiriwang tuwing may malalaking tagumpay ang kanilang pambansang koponan.
Aniya, madaling-araw pa lamang ay marami nang residente ang nagdiriwang sa mga lansangan sa pamamagitan ng pagbusina ng kanilang mga sasakyan at paggawa ng ingay bilang pagdiriwang sa tagumpay ng Spain. Ito rin ang ikalawang pagkakataon na nasungkit ng Spain ang titulo sa FIFA World Cup.
Sa kabila ng tagumpay, sinabi ni Catimo na walang idineklarang holiday ang pamahalaan sa Spain.
Samantala, inaasahang magkakaroon ng victory parade ang pambansang koponan na magsisimula sa Madrid, kung saan ipapakita sa publiko ang FIFA World Cup trophy.











