Ipinahayag ni Baguio City Councilor Edison Bilog na ang panukalang resolusyon hinggil sa pagpapatupad ng libreng sakay sa siyudad ay hindi umano natanggap sa konseho.
Ayon sa paliwanag, kasalukuyan na umanong tinutugunan ng Public Order and Safety Division (POSD) at Baguio City Police Office (BCPO) ang sitwasyon sa pamamagitan ng kani-kanilang hakbang.
Gayunman, binigyang-diin niya na limitado lamang ang saklaw nito dahil kadalasan ay nakatuon lamang sa iisang barangay ang kanilang operasyon.
Dahil dito, iminungkahi ng konsehal na dagdagan pa umano ang mga sasakyang umiikot upang mas mapalawak ang serbisyong libreng sakay at maibsan ang hirap ng mga kababayan.

“Bakit hindi natin i-tap o gamitin yung bus na idinonate sa atin ng isang bus company dito sa lungsod ng Bagui, para ito na rin ang umikot at makatulong upang maibsan ang hirap ng ating mga kababayan, lalo na sa mahabang pila.”
Baguio City Councilor Edison Bilog
Dagdag pa niya, maaari ring gamitin ang mga sasakyan ng iba’t ibang departamento ng City Hall, lalo na’t ang mga ito ay mula sa pera o kaban ng bayan.
Gayunpaman, tiniyak ng konsehal na patuloy siyang gagawa ng paraan upang maisingit ang panukala sa susunod na pagtatalakay ng konseho sa Lunes.











