Sumiklab ang sunog sa kagubatan sa Manpey-as, Bulalacao, Mankayan, Benguet noong Miyerkules at kumalat sa bulubunduking bahagi ng Barangay Guinaoang.
Idineklarang fire out ang insidente dakong alas-7:00 ng umaga kinaumagahan. Batay sa plot ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) – Buguias, tinatayang 14 na ektarya ng lupa ang nasunog. Gayunpaman, walang indibidwal o bahay ang naapektuhan.
Patuloy namang naghahanap ang Mankayan Fire Station ng mga testigo na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon. Ayon kay SFO2 Elmer Maton, naging hamon sa kanila ang bangin, lalo na sa pag-apula ng apoy. Aminado rin siya na nabawasan ang kanilang puwersa sa kabila ng tulong ng mga residente, at isa pang hamon ang kakulangan sa tubig.
Pinapaalalahanan ni Maton ang publiko, lalo na ang may mga hardin, na gumawa ng firebreak kapag tuyo na ang paligid. Hinikayat din nila ang mga residente na mag-ingat sa malakas na hangin, at iwasang magtapon ng upos ng sigarilyo sa mga madamong lugar, lalo na sa gilid ng mga kalsada. | via Bombo Noveh Organo











