Baguio City – Inaasahan umano ng taekwondo athlete na si Christer Zaijan Bros na makakauwi siya ng gold at silver medal mula sa ginanap na Taekwondo Championship sa Malaysia.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Bros, isang Grade 11 student ng University of the Cordilleras, na sa kabila ng mga sakripisyong ginawa niya para sa torneo, hangad niyang makauwi ng medalya at makita ang bunga ng kanyang paghihirap at paghahanda.
Ayon sa kanya, umabot sa mahigit siyam na buwan ang kanyang paghahanda bago ang naturang kompetisyon.
Bilang isang student-athlete, sinisikap umano niyang hindi magsabay ang kanyang klase at training. Aniya, hangga’t maaari ay agad niyang tinatapos ang kanyang mga school-related activities upang mabalanse ang pag-aaral at pagsasanay.
Ibinahagi rin ni Bros na ang kanyang ina ang nag-udyok sa kanya na subukan ang taekwondo upang hindi lamang umano siya manatili sa bahay at magkaroon din ng pagkakataong mag-ehersisyo. Nagsimula siyang magtaekwondo sa edad na 13.
Ito na umano ang kanyang ikalawang pagkakataon na makipagkompetisyon sa ibang bansa, matapos ang una niyang international competition sa Hainan, China.
Nang tanungin kung paano siya nakatulong sa pag-unlad bilang atleta ang pakikipaglaban sa mga banyagang manlalaro, sinabi niyang mas na-expose siya sa istilo ng paglalaro ng ibang bansa. Aniya, iba ang istilo ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa, kaya nakatulong ang mga international competition upang masanay siya at maka-adjust sa pressure ng laro.
Sa kanyang pakikipaglaban sa Malaysia, kabilang umano sa pinakamahirap niyang nakalaban ang mga atleta mula sa Malaysia at Indonesia.
Sa isang laban, muntik na umano siyang hindi makakuha ng gold medal matapos mahuli sa puntos. Gayunman, naihabol niya ang puntos sa natitirang limang segundo ng laban matapos niyang gamitin ang back-leg 45 na may padukot sa baba, na nagbigay umano sa kanya ng dalawang puntos.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang kanyang pagsasanay habang hinihintay ang mga susunod na kompetisyon sa susunod na taon.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Bros sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanyang journey bilang atleta, kabilang ang kanyang pamilya, coaches, kaibigan, at iba pang tumulong sa kanyang paghahanda at pakikilahok sa kompetisyon.











