Ipinahayag ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Sea, na nakakagalit umano ang ginawa ng China kaugnay ng isang AI-generated video na inilabas ng Chinese state media na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio sa programang Bombo Hanay Bigtime noong Hulyo 21, 2026, sinabi ni Tarriela na ang umano’y paglalait ay hindi lamang sa mga Pilipino kundi sa lahi at sa bansang Pilipinas. Aniya, bilang isang ama, hindi niya matatanggap na tawagin o ilarawan bilang unggoy ang kanyang mga anak.
Dahil dito, kinondena ni Tarriela ang naturang video at iginiit na hindi unggoy ang mga Pilipino. Ayon sa kanya, may dignidad at maayos na pinagmulan ang mga Pilipino at hindi dapat minamaliit o dini-degrade ang lahi ng Filipino people.
Dagdag pa ni Tarriela, isa rin sa naging dahilan ng kanyang pagtugon ang pahayag ni Senador Robin Padilla na nagsabing “lahat umano ay unggoy.” Ayon kay Tarriela, matapos siyang banggitin ni Padilla sa kanyang post, lumabas ang usapin na para bang siya ang “nag-draw ng first blood” o unang nagpasimula ng tensyon at propaganda.
Para kay Tarriela, hindi tama na tanggapin ang naratibo na “unggoy tayong lahat,” kabilang ang mga Pilipino, Hapon, at Tsino. Aniya, bilang isang bansa, dapat tutukan ang pagkontra sa maling naratibo at tawagin ang naturang pahayag bilang isang racist remark laban sa mga Pilipino.
Samantala, ipinaliwanag ni Tarriela na magkaiba ang political satire at ang AI-generated video na inilabas ng Chinese state media na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Binigyang-diin niya na ang kanyang inilabas na caricature noong Enero na may kaugnayan kay Chinese President Xi Jinping ay isang political satire lamang. Aniya, ginawa pa niyang mas positibo ang imahe ni Xi Jinping sa caricature—kung saan “pumogi” umano ito at nagkaroon pa ng muscles—at hindi pa niya ginamit ang simbolismong Winnie the Pooh.
Iginiit ni Tarriela na hindi racist ang kanyang caricature dahil hindi niya tinawag na unggoy si Xi Jinping o ang mga Chinese. Aniya, magkaiba ang dalawang sitwasyon at hindi dapat paghaluin ang political satire at ang umano’y racial insult.
Nilinaw din ni Tarriela na hindi niya itinuturing na personal na isyu laban kay Senador Robin Padilla ang naturang usapin. Aniya, tumutugon lamang siya upang ipaalam sa publiko ang kanyang pananaw at upang maging mulat ang mga Pilipino sa mga isyung may kinalaman sa pagrespeto sa bansa at lahi. Iginiit niyang wala siyang personal na alitan sa senador.











