--Ads--

Ibinahagi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Sea, ang insidenteng naganap noong Hulyo 20, 2026 kung saan nasugatan ang isang personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio sa programang Bombo Hanay Bigtime noong Hulyo 21, 2026, sinabi ni Tarriela na isang “violence” at “barbaric act” ang ginawa umano ng China Coast Guard (CCG). Ayon sa kanya, nagtamo ng head injury ang isang AFP personnel matapos hampasin ng wooden baton habang sinusubukan nilang paalisin ang mga tauhan ng CCG na umano’y lumalapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Dahil dito, nag-deploy ang PCG ng BRP Melchora Aquino 9702—ang pinakamalaking coast guard vessel ng ahensya—kasama ang BRP Malapascua at iba pang sasakyang pandagat upang magsagawa ng medical evacuation. Ayon kay Tarriela, seryoso ang tinamong pinsala ng nasugatang personnel.

Kinumpirma rin ni Tarriela na nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng PCG at CCG batay sa video na inilabas, kung saan makikitang naging marahas umano ang insidente at nauwi sa pagkakasugat ng isang AFP personnel.

Sa kabila umano ng harassment, bullying, at “barbarism” na ginawa ng CCG, sinabi ni Tarriela na nanatiling propesyonal ang mga tauhan ng PCG at nakontrol pa rin nila ang kanilang emosyon.

Dagdag pa niya, sa kabila ng insidente, napigilan ng mga sundalo ang kanilang sarili na gumawa ng anumang aksyon bilang tugon. Matapos masugatan nang malubha ang kanilang kasamahan, agad ding umalis ang mga tauhan ng CCG, ayon kay Tarriela.

Samantala, ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Jing Quan dahil sa mga alalahanin sa seguridad kasunod ng pinakahuling tensyon sa pagitan ng Chinese Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal noong Hulyo 20.

Ayon kay Press Officer Undersecretary Claire Castro, nagpulong sina Pangulong Marcos at Ambassador Quan matapos masugatan ang isang tauhan ng Philippine Navy sa gitna ng tensyon sa pinag-aagawang isla.