--Ads--

Kanselado ang Lucky Summer Visitor’s Program ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club o BCBC ngayong Holy Week.

Ito ay bunsod ng pagpanaw ng beteranong photographer na si Rodolfo “Ompong” Ong Tan at photojournalist na si Neil Clark Pascual Ongchangco, na tinangay ng malakas na agos ng ilog sa Itogon, Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dionisio Dennis, presidente ng nasabing organisasyon, sinabi nitong hindi angkop na magdaos ng kasiyahan sa gitna ng nangyaring trahedya.

Ayon pa sa kanya, ito rin ay bahagi ng pangangailangang magtipid ng enerhiya sa Pilipinas.

Aniya, nakahanda na sana ang taunang programa ngunit napagdesisyunan ng karamihan na miyembro ng organisasyon na kanselahin ito dahil sa nasabing insidente.

Gayunpaman, isasagawa pa rin ang tradisyunal na ritual na “Daw-es” sa Miyerkules, pati na ang iba pang aktibidad ng media camp sa Burnham Park sa Baguio City.

Samantala, inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kanyang matinding pagdadalamhati sa pagkawala ng dalawang photojournalist.

Ayon kay Magalong, si Ompong ay isang icon sa larangan ng photography, kilala sa kanyang matibay na Corporate Social Responsibility, lalo na sa pagtulong sa mga batang may autism. Isa rin siyang Outstanding Citizen of Baguio noong 2022—masigasig, mabait, at mapagkumbaba.

Samantala, inilarawan naman niya si Neil bilang isang mahusay na empleyado—dedikado, may mabuting kalooban, at laging handang tumulong sa kapwa.

Dagdag pa ng alkalde, madalas niya itong nakakasama tuwing Linggo sa kanilang pagbibisikleta.

Maipaalala na pauwi na ang dalawa mula sa isang school assignment nang tangayin ng malakas na agos ng ilog ang kanilang sasakyan sa Agno River sa Itogon, Benguet.

Apat na iba pa sa kanilang grupo ang nakaligtas sa trahedya, kabilang ang kanilang mga kasamahan na sina Conrad Rotor, Randy Benigno, Ren Muñoz, at Elisa Consul.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang Photojournalists’ Center of the Philippines. Inilarawan nila sina Tan at Ongchangco bilang “mga kahanga-hangang indibidwal na ang buhay ay sumasalamin sa tunay na diwa ng pagkuha ng litrato para sa paglilingkod sa komunidad.”