Inihayag ng Malacañang na nauunawaan ng Estados Unidos ang mga isyu at interes ng Pilipinas kaugnay ng International Criminal Court (ICC) matapos ang pagbisita ni US Secretary of State Marco Rubio sa Maynila.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, iniulat ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na tinalakay niya sa mga opisyal ng US State Department ang posisyon ng administrasyong Trump laban sa ICC.
Sinabi umano ng mga opisyal ng US na sensitibo ang usapin at kinilala ang tinatawag na residual obligation ng Pilipinas, kabilang ang pakikipagtulungan sa Interpol.
Nakipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng libo-libong pagkamatay sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
Nananatiling nakakulong si Duterte sa The Hague mula Marso 2025, habang may nakabinbing warrant of arrest naman laban kay dating Philippine National Police chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng pagpapatupad ng kampanya kontra ilegal na droga.










