BONTOC, Mt. Province — Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang isang 19-anyos na lalaki matapos umanong pagsisipain ang dalawang menor de edad sa harap mismo ng Sta. Rita Cathedral De Cascia sa Bontoc, Mt. Province noong hapon ng Abril 8, 2025.
Batay sa ulat ng Bontoc Municipal Police Station, ang suspek ay isang out-of-school youth, habang ang mga biktima ay nasa edad na 16 at 14.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakaupo lamang umano ang dalawang menor de edad sa gilid ng sidewalk nang bigla silang lapitan at walang sabi-sabing sinipa ng suspek. Wala pang malinaw na motibo sa insidente.
Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima upang isailalim sa medical evaluation. Nakaplano rin silang sumailalim sa counseling sa darating na Abril 10 bilang bahagi ng suporta sa kanilang mental at emosyonal na kalagayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang dahilan sa likod ng biglaang pananakit ng suspek. Nasa kamay na rin ng mga pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng pormal na reklamo laban sa binata.
Samantala, nananawagan ang pulisya sa publiko na manatiling alerto at agad ipagbigay-alam ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan, lalo na ng mga kabataan sa komunidad.