Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang biglaang pagpanaw ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kung saan naiulat na natagpuan siyang wala nang buhay sa sa Kennon Road, Bued River, Camp 4, Camp 6, Tuba, Benguet kahapon, Disyembre 18.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Mayor Magalong, sinabi niya na nanggaling umano sina Cabral at ang kanyang driver na si Ricardio Munos Hernandez, 56-anyos, sa Metro Manila at umakyat sila sa Baguio City kahapon, Disyembre 18.
Ngunit bago pa sila dumiretso sa lungsod, hiniling umano ni Cabral sa kanyang driver na huminto muna sila sa Kennon Road sa Tuba, Benguet para makalanghap ng hangin.
Ayon kay Magalong, sinabi umano ng driver ni Cabral na sinita sila ng pulis na nakaduty sa oras na iyon, kaya dumeretso na sila sa Baguio City.
Idinagdag pa ni Mayor Magalong na noong nasa Baguio sina Cabral at ang kanyang driver, nanlibre pa umano sila sa isang customer ng isang hotel dito sa lungsod.
Tinanong pa umano ni Mayor Magalong ang driver ni Cabral tungkol sa kalagayan o itsura ni Cabral, at sinabi nito na “in good mood” raw ang dating opisyal.
Alas-tres ng hapon kahapon, nagdesisyon umano na bumaba na sa La Union sina Cabral at ang kanyang driver.
Ngunit noong makarating ulit sila sa Kennon Road, Camp 4, Camp 6, Tuba, Benguet, kung saan sila unang huminto, sinabi umano ni Cabral sa kanyang driver na bumaba muna sila doon at sinabihan pa siya na iwan siya doon upang hindi sila sitahin muli ng pulis na nakaduty.
Dahil dito, umalis umano ang driver at nagtungo sa isang gasolinahan na malapit sa lugar kung saan iniwan si Cabral.
Alas-singko ng hapon, binalikan ng driver si Cabral sa lugar kung saan siya iniwan, ngunit hindi na niya ito makita. Naglibot pa umano ang driver sa paligid at tiningnan ang bangin, ngunit hindi niya makita si Cabral.
Dahil dito, nagdesisyon umano ang kanyang driver na bumalik sa lungsod upang hanapin si Cabral, sa pag-aakalang may bumalik siya at may kinausap lamang, ngunit bigo pa rin siyang makita.
Alas-siete ng gabi, bumalik ulit ang driver sa lugar kung saan niya iniwan si Cabral, ngunit wala doon ang naturang opisyal, kaya nagdesisyon siyang mag-report sa mga awtoridad.
Alas-otso ng gabi, nahanap ng mga awtoridad ang katawan ni Cabral na walang malay sa Bued River, 20 hanggang 30 metro ang lalim mula sa kalsada kung saan siya iniwan ng kanyang driver. Sa inisyal na report ng mga awtoridad, posibleng nahulog si Cabral sa bangin at dumiretso sa Bued River.
Pasado alas-dose ng hatinggabi, narekober at naingat ang katawan ni Cabral at idineklara itong wala nang buhay.
Sa ngayon, nagsasagawa ang mga awtoridad ng case conference, ngunit hindi pinayagan ang media na dumalo, at maglalabas na lamang umano sila ng official statement pagkatapos ng conference.
Sa latest update, nasa isang funeral home na ang mga labi ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, at andoon na rin ang kanyang pamilya.
Sinubukan naman nating kunin ang pahayag ng kanyang asawa, ngunit tumanggi ito na magpaunlak ng interview.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Tuba Municipal Police Station ang driver ni Cabral.










