Isinusulong ngayon sa Baguio City Council ang pagsasabatas ng Magna Carta para sa mga basurero sa lungsod.
Ang panukalang ordinansa ay inihain ni Councilor Edison Bilog, Chairperson ng Committee on Employment, Livelihood, and Cooperatives.
Ayon sa panukala, ang mga basurero ay nagsisilbing frontline workers sa pagpapanatili ng kalusugan ng publiko, kalinisan, at pangangalaga sa kapaligiran. Gayunman, nananatili silang kabilang sa mga hindi sapat na napahahalagahan at marginalized na sektor ng lakas-paggawa.
Nakalagay sa explanatory note ng iminungkahing ordinansa na ang mga garbage collector ay araw-araw na exposed sa mapanganib na mga sangkap, matitinding kondisyon ng panahon, matinding pisikal na trabaho, at iba’t ibang occupational risks. Dagdag pa rito, limitado rin umano ang kanilang access sa safety equipment at serbisyong medikal.
Saklaw ng panukala ang lahat ng indibidwal na kasangkot sa koleksyon, transportasyon, at pagtatapon ng solid waste sa lungsod.
Batay sa kopya ng ordinansang nakuha ng Bombo Radyo, itinatakda na ang mga garbage collector ay may karapatan sa occupational safety and health protection, tamang kompensasyon, security of tenure at non-discrimination, social protection, mental health support, recognition at awards, retirement benefits, family welfare and support, legal aid assistance, ligtas at marangal na pasilidad, hazard insurance at death benefits, pati na rin sa pagkakaloob ng uniporme at identity badge, at karapatang lumahok sa paggawa ng mga patakaran na may kinalaman sa kanilang sektor.
Nakasaad din sa panukala na tungkulin ng Pamahalaang Lungsod na tulungan ang lahat ng basurero sa kanilang pagpaparehistro at pagpapanatili ng aktibong membership sa Social Security System (SSS), PAG-IBIG Fund, at PhilHealth.
Ang pondo para sa implementasyon ng mga programang ito ay magmumula sa General Services Office, gayundin sa mga appropriations mula sa taunang investment plan at local development fund ng lungsod. | via Bombo Noveh Organo











