--Ads--

Matagumpay na naisagawa kahapon, Pebrero 28, 2026, ang isa sa mga pangunahing highlight ng Panagbenga Festival na may temang “Blooming Without End.”

Naging makulay at magarbo ang pagdiriwang sa pamamagitan ng iba’t ibang disenyo ng kasuotan at engrandeng presentasyon ng mga kalahok, na mas lalong pinatingkad ng kanilang mga ngiti at sigla habang nagtatanghal.

Sa Dance Festival Category, itinanghal na kampeon ang Tribu Siglat – Tinungbo Festival mula sa San Luis, Pugo, La Union, na tumanggap ng ₱200,000. Pumangalawa ang Tribu Kanluran Jones – Pinilisa Festival mula sa Mallanit, Jones, Isabela, na nagkamit ng ₱100,000. Samantala, pumangatlo ang Tribu Balitok a Pagey mula sa Malasiqui, Pangasinan, na tumanggap ng ₱70,000.

Para naman sa Drum and Lyre – Elementary Category, nagwagi ang Mabini Elementary School Drum and Lyre Corps and Street Dancing Group na tumanggap ng ₱150,000. Pumangalawa ang El Tribu d’ Lucban na nakatanggap ng ₱100,000, habang pumangatlo ang Tuba Central School Drum and Lyre Corps na nagkamit ng ₱70,000. Lahat ng iba pang kalahok sa nasabing kategorya ay tumanggap ng ₱100,000 bawat isa.

Sa naging mensahe ni Vince Dizon, ibinahagi niya na ibang-iba ang kanyang pakiramdam ngayon kumpara noon. Binigyang-diin niya na tulad ng Baguio na muling bumangon matapos ang 1990 earthquake, sumisimbolo ang Panagbenga—na nangangahulugang “pag-usbong ng mga bulaklak”—sa patuloy na pagbangon at pag-asa sa kabila ng mga pagsubok.

Binanggit din niya ang mga isyu ng korapsyon na inilahad ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. , at iginiit na mahalagang managot ang mga dapat managot. Ayon sa kanya, makababangon ang bansa mula sa anumang hamon kung mananaig ang pananagutan at maayos na pamamahala—isang paninindigang aniya’y sinusuportahan din ng administrasyon at ni Benjamin Magalong.

Ibinahagi rin ni Dizon na ito ang kanyang unang pagkakataon na makilahok sa pagdiriwang ng Panagbenga bilang panauhing pandangal. Kitang-kita ang kanyang sigasig at pananabik sa pagdalo sa makulay na selebrasyon.

Dagdag pa niya, hindi lamang pakikibahagi sa pista ang kanyang layunin sa pagbisita kundi magsagawa rin ng inspeksyon sa mga imprastraktura sa lungsod, kasama si Mayor Benjamin Magalong.