--Ads--

BAGUIO CITY – Ibinahagi ni Baguio City Police Office (BCPO) spokesperson Police Major Marcy Grace Marron na kabilang sa mga hamong kanilang naobserbahan sa Grand Opening Parade ng Panagbenga Festival ang mga hadlang sa kalsada na maaaring makaapekto sa mga emerhensiya at ang kakulangan sa maayos na pagtatapon ng basura.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niyang napag-usapan na nila ang nasabing problema lalo na’t inaasahang mas maraming turista ang dadagsa sa lungsod para sa dalawang pangunahing aktibidad ng Panagbenga—ang Grand Street Dancing Parade at ang Grand Floral Float Parade. Tinatayang maaaring umabot sa 160,000 turista ang darating sa Baguio.

Tiniyak din ni Police Major Marron na nakahanda ang BCPO upang masiguro ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng festival. Dagdag pa niya, posibleng magtalaga ng karagdagang tauhan ng pulisya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng dalawang highlight ng pagdiriwang.

Aniya, naka-standby rin ang mga pwersa mula sa Police Regional Office Cordillera at iba pang tanggapan ng pulisya upang magbigay ng karagdagang suporta kung kinakailangan.

Sa huli, muling pinaalalahanan ng opisyal ang mga lokal at turista na maging maingat, makipagtulungan sa mga awtoridad, at makiisa sa maayos at ligtas na pagdiriwang ng Panagbenga Festival.