Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa drayber ng isang government-owned pick-up truck na nag-viral sa social media matapos makitang may tatlong pasahero na nakasakay sa likurang bahagi o pick-up bed nito.
Sa pahayag noong Miyerkules, sinabi ng LTO na pinasusumite ang drayber at ang rehistradong may-ari ng sasakyan ng kanilang beripikadong paliwanag sa pagdinig sa Marso 10, alas-3 ng hapon, sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID).
Dapat ipaliwanag ng mga respondent kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo dahil sa pagpapasakay ng mga pasahero sa pick-up bed na para lamang sa kargamento.
Makikita sa isang larawang kumalat sa social media ang tatlong pasaherong nakaupo sa likurang bahagi ng naturang sasakyang pag-aari ng gobyerno.
Maaaring masuspinde o mabawi ang lisensya ng drayber dahil sa pagiging hindi angkop na magmaneho ng sasakyang de-motor. Ayon sa LTO, ipinatutupad na ang 90-araw na preventive suspension ng lisensya nito.
Isinailalim din sa LTO alarm ang naturang sasakyan upang maiwasan ang anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sinabi ng ahensya na pagdedesisyunan nila ang kaso batay sa mga ebidensyang hawak kung hindi sisipot at magsusumite ng paliwanag ang mga respondent. Maaari ring kumuha ng abogado ang mga ito sa panahon ng imbestigasyon.
Nanawagan ang LTO sa lahat ng motorista na sumunod sa mga batas-trapiko upang masiguro ang kaligtasan ng lahat sa kalsada.









