--Ads--

Lalahok ang Baguio City sa nationwide simultaneous earthquake drill alas-3 ng hapon ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engineer Charles Carame, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO)–Cordillera, makikibahagi sa naturang aktibidad ang lahat ng tanggapan ng lokal na pamahalaan sa lungsod, mga opisyal ng barangay, at mga residente. Kasama rin sa drill ang tatlong pinakamalaking unibersidad sa lungsod—ang University of the Cordilleras, University of Baguio, at Saint Louis University.

Sinabi ni Carame na tututukan nila ang mga nasabing paaralan pati na rin ang mga barangay. Gayunman, aminado siya na isang hamon para sa University of Baguio ang paglikas ng mga estudyante dahil kailangan nilang dumaan sa Mabini Street at Assumption Road patungo sa Melvin Jones field na siyang pangunahing evacuation center ng unibersidad.

Samantala, ang evacuation area ng University of the Cordilleras ay nakatakda sa Governor Pack area malapit sa Baguio City High School at Sunshine Park, habang ang ilan naman ay tutungo sa skating rink area. Ang mga mag-aaral naman ng Pines City National High School ay lilikas patungo sa parking lot area, Governor Pack Road, at skating rink area.

Ayon kay Carame, mahalagang maisagawa ang drill upang masubukan kung gaano kabisa ang mga nakahandang evacuation plan ng mga paaralan at barangay sakaling magkaroon ng malakas na lindol.