Naniniwala ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na kusang hihinto ang serbisyo ng pampublikong transportasyon—hindi lamang sa jeepney kundi sa lahat ng ruta—kung aabot sa ₱120 ang presyo ng diesel, dahil hindi na ito kakayanin ng mga operator.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Mody Floranda, National President ng PISTON, na kahit hindi na sila magpoprotesta, hihinto pa rin ang pampublikong transportasyon.
Aniya, may ibinibigay nga ang gobyerno bilang ayuda, ngunit kung umabot sa ₱120 kada litro ang diesel, halos kalahati lamang ng kita ang magagamit ng mga operator. Halimbawa, kung nakakonsumo sila ng 30 litro kada araw, aabot sa halos ₱3,600 ang gastos para makapagbigay ng serbisyo sa loob ng 12–18 oras. Dagdag pa niya, ang ipinagyayabang ng gobyerno na fuel subsidy ay halos hindi mararamdaman ng transport sector.
Bagaman sinabi ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. na may libreng sakay para sa publiko, naniniwala si Floranda na hindi tradisyonal na jeepney ang gagamitin kundi mga bus at modern jeepney.
Dati nang sinabi ni Floranda na dismayado ang kanilang grupo sa pagbawi ni Pangulong Marcos sa planong pagtataas ng pasahe ngayong araw. Ani niya, ang dapat talagang binawi ng gobyerno ay ang mga batas na nagpapahirap sa mga drayber at operator, tulad ng Oil Deregulation Law, pati na rin ang excise tax at VAT sa langis.
Iginiit ni Floranda ang kanilang hinaing at sinabi rin na patuloy nilang hihilingin ang pagbasura sa mga ito.
Sa pagsisimula ng kanilang protesta ngayong araw, aniya, tuloy-tuloy ang iba’t ibang anyo ng kilos-protesta sa mga susunod na araw laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Layunin ng protesta na singilin si Pangulong Marcos at kwestyunin kung paano niya tutulungan ang mamamayan, lalo na kung ang mismong transport group ay nawawalan ng karapatan sa kakarampot na kita na dapat ay para sa mga drayber at operator.











