--Ads--

Iginiit ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide na hindi umano malulutas ng “service contracting program” at “Libreng Sakay” ang krisis na dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.


Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mody Floranda, national president ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide, sinabi niyang hindi tunay na libre ang programang “Libreng Sakay” dahil ang ibinabayad sa mga kumpanya ng sasakyan ay nagmumula rin sa buwis ng mga Pilipino.


Ayon sa kanya, mas makabubuti kung bubuo ang pamahalaan ng pangmatagalang solusyon sa problema.


Ibinahagi rin niya na patuloy na bumababa ang kita ng mga driver at operator dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, lalo na sa Metro Manila.


Dagdag pa niya, halos lahat ng sektor ng pampublikong transportasyon ay dumanas ng matinding pagkawala ng kita, kung saan umaabot na lamang sa P100 hanggang P200 ang naiuuwi ng ilang driver para sa kanilang pamilya.


May ilan pa umanong tsuper na P70 na lamang ang naibabalik kahit umaabot sa halos labing anim na oras ang kanilang pamamasada sa NCR.


Muli ring iginiit ng opisyal ang pagpapawalang-bisa sa oil deregulation law bilang isang pangmatagalang solusyon na maaaring isaalang-alang ng pamahalaan.