Pinuri ng United Nations rights chief ang manifesto ni Pope Leo XIV hinggil sa panganib ng artificial intelligence (AI), at iginiit na dapat manatiling sentro ang “shared humanity” sa paggamit ng teknolohiya.
Sa encyclical na “Magnifica Humanitas” o “Magnificent Humanity,” nagbabala ang unang Amerikanong Santo Papa laban sa mabilis na pag-unlad ng AI na umano’y pinaiiral ng kompetisyong geopolitikal at pangkomersyo.
Binigyang-diin din ni Pope Leo XIV ang panganib ng AI-directed weaponry at iginiit na hindi dapat ipaubaya sa teknolohiya ang mga desisyong may kinalaman sa buhay at kamatayan.
Tinawag naman ni UN High Commissioner for Human Rights Volker Turk ang manifesto bilang isang “napapanahong panawagan para sa dignidad at hustisya sa panahon ng AI.”
Ayon sa United Nations, maaaring umabot sa $4.8 trillion ang halaga ng AI pagsapit ng 2033, ngunit posible ring mapunta ang malaking kita nito sa iilang tao lamang.









