--Ads--

Naglabas ang International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ng mga patakaran para sa nalalapit na paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa korte, sisimulan ang pagbabasa ng mga sakdal sa Hunyo 30, 2026, na magiging pormal na pagsisimula ng trial proceedings.

Bago nito, inatasan ang prosekusyon na magsumite ng detalyadong trial brief, listahan ng mga testigo, at ebidensiya sa Agosto 31. Ang mga kinatawan ng mga biktima ay maaaring magsumite ng kanilang brief hanggang Setyembre 28, habang ang depensa ay may hanggang Oktubre 30 para ilahad ang mga pangunahing isyung kanilang tatalakayin sa kaso.

Ayon sa ICC, hahatiin sa tatlong yugto ang paglilitis: ang presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon, posibleng presentasyon ng mga biktima, at ang depensa.

Sa mga pagdinig, unang maghahayag ng opening statement ang prosekusyon, kasunod ang mga kinatawan ng biktima at ang depensa.

Binigyang-diin din ng korte ang mga patakaran sa paghawak ng mga testigo, kabilang ang posibilidad ng mga proteksiyong hakbang at limitasyon sa mga sensitibong pag-uusap sa pampublikong pagdinig.

Si Duterte ay nasa kustodiya ng ICC mula Marso 2025 kaugnay ng mga alegasyon ng pagpatay noong panahon niya bilang alkalde ng Davao City at sa ilalim ng war on drugs noong kanyang pagkapangulo.