LA TRINIDAD, Benguet – Aabot sa 103 farmers ang hindi na nakapasok sa Farmer Cooperator Program ng Benguet State University (BSU) para sa Strawberry Farm ng unibersidad.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay BSU Vice President for Business Affairs Josel M. Florentin, sinabi nitong mula sa 270 na farmers, 167 na lamang ang kwalipikadong magpatuloy sa pagtatanim sa nasabing farm.
Ipinaliwanag ni Florentin na noong Oktubre ng nakaraang taon ay inaprubahan ng BSU Board of Regents ang bagong polisiya para sa BSU Farmer Cooperator Program upang masusing masuri ang mga magiging partner ng unibersidad.
Layunin ng programa na higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka, mapataas ang kanilang kita, at matulungan silang mapanatili ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pribilehiyong magamit ang mga lupain ng unibersidad.
Mayroon ding partnership ang Research and Extension Sector ng BSU at mga farmer kung saan nagbibigay ang unibersidad ng mga pagsasanay tungkol sa sustainable farming practices, environmental-friendly at makabagong agricultural techniques at teknolohiya. Bilang kapalit, nag-aambag ang mga magsasaka ng kanilang praktikal at hands-on na karanasan na makatutulong sa pananaliksik at pagpapabuti ng sektor ng agrikultura.
Gayunman, ayon kay Florentin, batay sa kanilang rekord ay marami sa mga nagtatanim sa Strawberry Farm ang magkakamag-anak at matagal nang gumagamit ng mga lote.
Dahil dito, ipinatupad ang bagong polisiya upang mabigyan din ng pagkakataon ang iba pang mga magsasaka at mas maging patas ang distribusyon ng mga lote para sa pagtatanim.
Iginiit ng opisyal na bago pa man ipatupad ang polisiya ngayong buwan ay naipaalam na ito sa mga farmers, lalo na sa kanilang mga opisyal. Aniya, inanunsiyo rin ito sa pamamagitan ng social media matapos maaprubahan ng Board.
Dagdag pa niya, sa bawat pagpupulong ay binibigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na magtanong o dumulog sa kanilang tanggapan kung mayroon silang mga paglilinaw. Gayunman, ayon sa kanya, wala umanong nagtungo sa kanilang opisina at iilan lamang ang regular na dumadalo sa mga pulong.
Samantala, ikinagulat ng maraming farmers ang naging resulta ng implementasyon ng bagong polisiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ng ilang magsasaka na naging biglaan ang pagbabago.
Ayon sa isang farmer na itinago sa pangalang alyas “Pogi,” bagama’t alam at nauunawaan niya ang bagong polisiya, hindi umano sapat ang panahong ibinigay upang makapaghanda at makahanap ng ibang lupang maaaring pagtaniman.
Sumang-ayon dito ang isa pang farmer na mahigit 15 taon nang nagtatanim sa Strawberry Farm.
Bagama’t isa siya sa mga nabigyan ng lote sa isinagawang bunutan, boluntaryo niya itong isinuko at ibinigay sa kanyang kamag-anak dahil mas makabubuti umano ito para sa kanila. Aniya, mayroon pa naman siyang ibang lupang maaaring pagtaniman sa Kapangan, Benguet.
Ibinahagi rin niya na marami sa kanilang mga kasamahan ang nawalan ng garden sa Strawberry Farm.
Aniya, bagama’t naaprubahan ang polisiya noong Oktubre, Abril o Mayo na lamang ito naipaliwanag nang mas malinaw sa kanila. Dahil dito, hindi nila inaasahang agad itong ipatutupad ngayong buwan at iginiit niyang kulang ang ilang buwang preparasyon.
Hindi rin umano siya sigurado kung matutuloy ang pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) ng mga nabigyan ng lote.
Kasabay nito, kinuwestiyon niya kung naging patas ang pagpapatupad ng polisiya dahil, ayon sa kanya, mayroon pa ring mga farmer na magkakapareho ng apelyido o middle initial na nakapasok sa programa.
Umaasa ang mga magsasaka na magiging patas ang pagpapatupad ng polisiya ng Benguet State University.
Sa kabila nito, nagpahayag pa rin sila ng pasasalamat sa unibersidad dahil sa loob ng mahigit 15 taon ay nabigyan sila ng pagkakataong makagamit ng lupain para sa kanilang kabuhayan.
Ayon pa sa farmer, naniniwala siyang maaari sanang naresolba ang isyu sa pamamagitan ng mas maayos na pag-uusap dahil marami sa mga natanggal ang may mga anak at iba pang obligasyong pinansyal.
Batay sa bagong polisiya, kabilang sa mga disqualification ang pagkakaroon ng kapamilya hanggang sa fourth civil degree of consanguinity o affinity na kasalukuyan nang benepisyaryo ng alinmang farming program ng unibersidad.
Kung sakaling kalaunan ay matuklasang may magkakamag-anak na parehong nakapasok sa programa, isa lamang sa kanila ang papayagang magpatuloy.
Matapos nito ay magsasagawa muli ng bunutan kung kinakailangan. Kailangan ding magsumite ang mga kwalipikadong farmer ng kinakailangang mga dokumento, kabilang ang affidavit na nagpapatunay na wala silang kamag-anak hanggang fourth civil degree of consanguinity o affinity na kasali sa parehong programa.
Kailangan ding walang anumang paglabag ang mga farmer at aktibo silang dumadalo sa mga meeting, IKAP, at iba pang itinakdang social activities ng programa.
Nakatakdang simulan ang pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Agosto, na magiging epektibo hanggang sa huling araw ng Hunyo sa susunod na taon.
Sa kabilang banda, inihayag ni Florentin na dahil mayroon ding Sariling Sikap Program ang unibersidad para sa mga empleyado ng BSU, ang mga kwalipikadong mabibigyan ng lote na magsisilbing garden sa Strawberry Farm ay maaari nilang suportahan.
Aniya, plano nilang makipagpulong sa mga opisyal ng programa upang pag-usapan kung paano maaaring makatulong ang mga hindi naging kwalipikado sa mga empleyadong kwalipikado sa ilalim ng Sariling Sikap Program.
| via Bombo Noveh Organo











