Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakahanda silang harangin ang anumang tangkang pagpupuslit ng iligal na droga papasok sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagkakasamsam ng 521 kilo ng hinihinalang shabu sa isang paliparan sa Laos noong Oktubre 1 at pagkakaaresto sa ilang indibidwal. Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, planong ipuslit ang nasabing droga patungong Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Joseph Frederick Calulut, tagapagsalita ng PDEA, sinabi niyang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y planong cross-border smuggling ng iligal na droga.
Inihayag din ni Calulut na planong ilagay sa 23 maleta ang droga at isakay ang mga ito sa isang private jet na patungong Pilipinas. Gayunman, dahil sa bigat ng mga maleta, hindi pinayagan ng piloto na maisakay ang mga ito. Dito na pumasok ang mga awtoridad ng Laos na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek at pagkakumpiska ng mga shabu.
Sa kasalukuyan, patuloy ang palitan ng impormasyon sa pagitan ng PDEA at mga kinauukulang awtoridad ng Myanmar bilang bahagi ng imbestigasyon sa naturang insidente.
Nilinaw naman ni Calulut na hindi kabilang sa mga nasamsam ng PDEA ang naturang droga dahil hindi sa Pilipinas isinagawa ang pagkakasamsam at pag-aresto sa mga suspek.
Una nang inilantad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga indibidwal na umano’y sangkot sa nasabing krimen. Gayunman, sinabi ni Calulut na hinihintay pa nila ang karagdagang ebidensya upang matukoy kung anong mga kaso ang maaaring isampa laban sa mga ito.
Binigyang-diin din niya na nakahanda ang PDEA, katuwang ang iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, na harangin ang naturang droga sakaling makapasok ito sa bansa.
Patuloy rin ang mahigpit na pagpapatupad ng ahensya sa mga programa nito laban sa ilegal na droga.
Samantala, nanawagan si Calulut sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na ipagbigay-alam sa PDEA ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga sa kanilang mga komunidad. //kcs//











