Muling nakatanggap ng pagkilala ang Baguio City sa Galing Pook Awards sa pamamagitan ng programang Project Denguerra: War on Dengue.
Ayon kay City Health Services Office (CHSO) Head Dr. Celia Flor Brillantes, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagkamit ng Galing Pook Award ang lungsod. Una itong nakatanggap ng parangal para sa Ecowalk Program, habang ang Project Denguerra naman ang kinilala sa pagkakataong ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brillantes, sinabi nitong bukod sa pagkakabilang ng Baguio City sa Top 10 Galing Pook Awards ngayong taon, nakatanggap din ang lungsod ng Special Citation Award for Resiliency, kasama ang Iloilo City.
Ayon sa kanya, may nakalaang cash prize ang Special Citation Award for Resiliency, habang nagkakahalaga naman ng P300,000 ang pagkakabilang sa Top 10 Galing Pook Awards.
Plano umanong gamitin ang premyong matatanggap upang higit pang mapahusay at mapalawak ang implementasyon ng Project Denguerra: War on Dengue.
Ibinahagi rin ni Brillantes na patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso ng dengue sa lungsod mula pa noong 2025.
Nagpasalamat naman siya sa mga residente ng Baguio City, na aniya ay may malaking kontribusyon sa pagkakamit ng parangal dahil sa kanilang pakikilahok at pakikipagtulungan sa programa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng matibay na partisipasyon ng komunidad at suporta ng iba’t ibang stakeholder upang mas marami pang programang pangkalusugan ang maisakatuparan sa lungsod.
Samantala, muling pinaalalahanan ni Brillantes ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga naiipong tubig na maaaring pamugaran ng lamok, at patuloy na isagawa ang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.











