--Ads--

Isinagawa ngayong araw ang Barangay Day sa Baguio Convention Center bilang culminating activity ng pagdiriwang ng Local Government Month.

Nakiisa sa aktibidad ang 128 barangay officials mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod, gayundin ang mga department heads ng lokal na pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor Rocky Aliping, sinabi nito na bahagi ng programa ang pagkilala sa mga indibidwal at barangay na nagpakita ng mahusay na partisipasyon sa mga nagdaang programa ng Liga ng mga Barangay Federation.

Ayon kay Aliping, mahalaga ang pagdiriwang ng Barangay Day dahil ipinapakita nito na sa kabila ng iba’t ibang hamon na kinakaharap ng mga barangay, naglalaan pa rin sila ng panahon upang ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay at pagsisikap.

Ibinahagi rin ng konsehal na maituturing na best-performing barangays ang mga barangay sa lungsod, lalo na’t sa katatapos na awarding para sa sustainable development na nakatuon sa aktibong partisipasyon, transparency at accountability, halos lahat ng barangay ay nabigyan ng pagkilala.