Ipinagdiriwang ngayong buwan ang Elderly Filipino Week alinsunod sa Proclamation No. 740, sa pangunguna ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Luz Laureta-Balisong, direktor ng National Commission of Senior Citizens-Cordillera, sinabi nito na ang pagdiriwang ng Elderly Month sa Baguio City ay nakabatay naman sa isang ordinansa ng lungsod.
Ayon kay Laureta-Balisong, naging matagumpay ang kick-off activity ng Elderly Filipino Week na ginanap sa Benguet Sports Complex sa La Trinidad, Benguet. Dinaluhan ito ng iba’t ibang ahensiya na naghatid ng kani-kanilang serbisyo para sa mga senior citizen.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang basta nakatatanggap ng tulong ang mga senior citizen, kundi mayroon din silang mahalagang kontribusyon sa komunidad at sa pangangalaga ng kapaligiran.
Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang tree planting at coffee planting, katuwang ang iba’t ibang grupo, kooperatiba, ahensiya at tanggapan.
Samantala, ipinagdiwang din ang Centenarian Day noong unang Biyernes ng Oktubre, kung saan nagkaloob ng mga benepisyo o pagkilala sa mga indibidwal na umabot na sa edad na 100 taon sa Baguio City at sa iba pang lugar sa Cordillera.
Hinikayat naman ng NCSC-Cordillera ang mga senior citizen na tiyaking nakarehistro sila sa nasabing komisyon at sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang matiyak ang kanilang pagkakakilanlan at pagiging kuwalipikado sa mga benepisyong maaari nilang matanggap.











