--Ads--

Dumagsa na ang mga turista sa lungsod ng Baguio, partikular nitong weekend, at inaasahang lalo pang dadami ang mga bibisita dahil sa anim na araw na bakasyon sa Metro Manila kaugnay ng ASEAN Summit, mula Nobyembre 13 hanggang 18.

Dulot ng pagdagsa ng mga turista, kapansin-pansin ang mabagal na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng lungsod.

Ayon sa City Government of Baguio, marami na ring fully booked na mga bus na bumibiyahe mula Metro Manila patungong Baguio City sa nasabing mga petsa.

Dahil dito, ipinag-utos ni Mayor Benjamin Magalong ang partial activation ng City Disaster Risk Reduction and Management Council at mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council upang matiyak ang kahandaan ng lungsod sa pagdagsa ng mga turista.

Inihalintulad pa ng alkalde ang sitwasyon sa isang pinaikling Semana Santa kung saan kinakailangan ang mas pinaigting na paghahanda sa seguridad, kaligtasan at crowd management.

Samantala, naka-full alert status naman ang Philippine National Police, kabilang ang Baguio City Police Office o BCPO.

Ayon kay Police Major Marcy Marron, spokesperson ng BCPO, kanselado muna ang day off at leave ng mga pulis upang matiyak ang sapat na puwersang magbabantay sa mga tourist destinations at iba pang matataong lugar.

Nakipag-ugnayan na rin ang BCPO sa mga bus company at iba pang ahensya upang matugunan ang posibleng kakulangan sa transportasyon at maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.

Sa ngayon, nananatiling manageable ang sitwasyon sa lungsod habang patuloy ang paghahanda ng mga kinauukulang ahensya.